Dumating na ang alon ng totoong buhay. Inaanod ako, tinatangay pabalik tungo sa dakong di mawari.
Kelan ba nagsimulang pangibabawan ng mga pananagutan ang mundong aking ginagalawan? Sa puso't isipan ko'y batang paslit, sa panlabas na kaanyua'y taong dapat nagsisimula na ng sariling pamilya.
Ayokong kumawala sa kaligayahan at kalayaan na kaakibat ng pagiging kabilang sa kabataan. Pilit kong nilalabanan ang hindi maiiwasan. Nagpapanggap akong walang pagbabagong nagaganap.
Isang gabi'y naligo ako sa luha (kung sabagay, parati naman itong nangyayari, iba-iba nga lang ang dahilan). Kinulob ako ng isang hinaharap na walang liwanag. Emotional claustrophobia -- sana may ganitong termenolohiya. Kung wala, wag sanang kalilimutang ilagay ang pangalan ko sa bibliograpiya ng alinmang kaugnay na pananaliksik bilang unang taong nakadiskubre nito.
Nagugulumihanan akong gumising kinabukasan. Ano nga ba ako? Gusto ko ba ang kasalukuyang estado ng buhay ko? Ano nga ba kasi ang gusto ko? Papaano kung maiwan na akong mag-isa? Isinuko ko na ba ang mga pangarap ko? Kuntento na ba ako sa kung ano o wala ako ngayon? Nasaan na ang tiwala ko sa sarili?
Kaya ko bang mabuhay?
Noong nasa kolehiyo pa ako, akala ko may plano ako.
"Gagawin ko ito."
"Tutuparin ko ito."
"Kakamtan ko iyan."
Nagparang balewala na ang lahat ng iyon ngayon.
Hindi nakatulong ang pagsagot ko ng mga online questionnaire. Lalo lamang pinag-igting ng mga ito na may pinagdaraanan nga akong problema: ang mistulang paghinto ko sa isang kanto ng libo-libong kalsada. Tapos walang traffic light.
Di mo gets.
Quarterlife crisis.
Noong isa pang gabi, may nasagasaang babae sa harap ng gusali namin. Dead on the spot. Humarurot ang nakasagasa, marahil dahil sa sobrang taranta.
Kung kukunin ako ng Poong Maykapal, ngayon na ang pinakamagandang pagkakataon, kung kelan wala pang umaasa sakin. Di hamak na manghihinayang ang tatay ko sa mga ginasta niya sa pagpapalaki sakin. Mahigit kumulang mga tatlong milyong piso rin siguro kung susumahin. Hihingan ko na lang na bigyan siya ng isang matinding refund ng Poong Maykapal. Sports car. Yung red.
Ngunit malamang sa hindi'y magpapatuloy ako sa buhay. Susuungin ko ang landas na bubuo sakin. Malalagpasan ko ang kalagayan ko ngayon. Tutulak ako tungo sa katiwasayan.
Di ko man alam kung papaano ang kahihinatnan ng mga magiging desisyon ko sa buhay pero ano ba naman ang pinakamalalang mangyari sakin sa mga pagkakataong matanga ako? Mamatay lang naman diba?
At habang di pa sumasapit ang bukas, hayaan mo muna akong madismaya sa kasalukuyan.
There isn’t a deficit of organ…
46 minutes ago