Bumaling ang kaniyang tingin sa lolong may hawak na lobo. Halata ang pagod sa mukha ng matanda, wari'y nagdaan sa maraming digmaan. Hindi na magawang sumulyap ni Aaron sa katabi.
"Ang ganda naman ng lobo."
Hindi pinansin ni Aaron si Sophie. "Ganun na nga siguro. Wala na rin naman akong magagawa." Nanginginig na ang boses ng binata.
Tumungo si Sophie upang itago ang nangingilid na luha. "Pero mas maganda sana kung naging pula na lang yung kulay nung lobo."
"Eh, anong ibig sabihin nun? Wala lang ba sa iyo yun? Pinabalik mo ako. Bumalik ako. Para saan? Para sa iyo. Oo, para sa iyo."
Madaling araw at malakas ang bugso ng ulan at hangin sa labas ng apartment nina Sophie.
Nakalatag ang banig sa salang dingding na kahoy lang ang pagitan mula sa nag-iisang silid-tulugan kung saan mahimbing na ang buong pamilya ni Sophie.
Walang imik ang magkaibigang nakahiga sa banig.
Nakaharap sila sa isa't isa. Hawak ni Aaron malapit sa kanyang dibdib ang kaliwang kamay ng dalaga.
Magkalapat ang kanilang mga noo. Malungkot na pinagmasdan ni Aaron ang maamong mukha ni Sophie. Matindi na ang antok na kaniyang nararamdaman ngunit hindi niya magawang kumurap.
"Humina man o hindi ang bagyo, aalis na ako ng alas-kwatro."
Halos mawalan ng malay si Sophie sa narinig.
Matapos ang dalawang araw, nakatanggap si Aaron ng mensahe na ikinabagabag niya.
"Kailangan nating mag-usap. - Sophie"
Nangyari na nga ang kapwa hindi nila inaasahan. Nagtagpo sila sa isang lugar na walang sinuman ang naroon maliban sa kanila.
Pag-iyak ang ibinungad ni Sophie sa kaibigan. Naghiwalay na sila ng kaniyang nobyo.
Nabasag ang puso ni Aaron.
"Siguro mas mabuti na iyan. Mukha naman talagang hindi ka na masaya pa sa kaniya. Nahihirapan ka lang."
"I want you back... as my friend."
"I'm here now, am I not?"
Nagliwanag ang paligid sa pagngiti ni Sophie.
Sampung taon na ang lumipas mula noong tagpong iyon.
Sampung taon. Nangyari na lahat maliban sa... Pinigilan na lang ni Aaron ang pag-iisip.
Napansin niyang nakatingin na naman si Sophie sa matandang may lobo.
Tumayo ang binata at umalis.
Bumalik siyang may hawak na lobo at inabot ito sa dalaga.
"Hindi ka pa rin nagbabago. Pikon ka pa rin hanggang ngayon." Hindi na napigilan ni Sophie ang lumuha.
Sa huling pagkakataon, pinagmasdan ni Aaron ang kagandahan ng babae sa kanyang harapan. Inibig niyang tumigil na lamang ang pagdaloy ng kanyang dugo.
Isang huling sulyap... at tumalikod na ang binata't naglakad papalayo.
Sa hindi kalayuan, iika-ika pauwi ang isang matandang lalaki. Duguan at namamaga ang kanyang mga labi.
May ilang digmaan na rin ang kaniyang pinagdaanan.
SMS Jokes 65
-
Morning Body Routine: Buhok magulo, suklayin Mukha may muta, tanggalin
Kamay, unat-unatin Katawan at paa, galaw-galawin T*t* matigas, eh di
batihin! oOo Ba...
4 hours ago

